Biography


Kung ang pangkaraniwang tendensiya ng isang babae ay ang pumaloob na lamang sa pagkakahon ng lipunan at magsawalang kibo sa tawag ng pagbabago, si Ellen ay ilan sa mga bibihirang babae na tinahak ang landas na di karaniwang dinaraanan.

Si Eleanor Teodoro Reyes, kilala bilang Ellen, ay isang tipikal na babaeng gumanap sa kanyang tungkulin bilang ina, kapatid at kaibigan sa lahat ng mga taong naging bahagi ng kanyang buhay. Sa isang relatibong maginhawang pamumuhay, malayo sa isip ni Ellen na masangkot sa mas malaking hamon ng buhay pagkatapos niyang makita ang paglaki ng kanyang tatlong anak na siyang naging senyas ng pagtahak sa panibaong landas. Alam ni Ellen na ang pagliit ng tungkulin niya sa kanyang mga anak ang siyang simula upang maging ina muli. Pero sa pagkakataong ito, ay maging ina ng kanyang mga kababayan sa lalawigan ng Laguna.

Bunso sa sampung magkakapatid kung saan siya at ang panganay lamang ang babae, si Ellen ay lumaki sa maginhawang pamilya ng San Pablo City. Hindi naging madali ang paglaki ni Ellen dahil sa loob pa lamang ng kanilang pamilya ay kinailangan na niyang matuto na maigiit ang kanyang sarili sa kanilang pamilya. Ang kanyang mga kapatid ay puro mga tituladong abugado, duktor at CPA kung kaya nga marami ang nagulat sa pinursige ni Ellen na karera.

Sa edad na limang taon, maagang nagsimula si Ellen ng pag-aaral dala ng kanyang inggit sa mga kapatid na lahat na ay pumapasok. Isa siya sa pinakaunang estudyante ng Pilot Class ng San Pablo Central School sa kanyang elementarya at nagtapos ng high school sa Canossa. Ang magandang alaala ng kanyang kabataan at pakikipagkaibigan sa lahat ng tao sa iba't ibang antas ng buhay ang siyang dahilan kung bakit mas ninais sa batang edad, nagsimula ng mapansin ang kanyang salungat sa daloy. Sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang, pinili ni Ellen na kumuha ng kursong Bachelor of Science in Social Work sa Maryknoll College noong 1975, subalit noong 1978, bilang parangal sa kanyang magulang, tinapos na niya rin ang BS Commerce sa Saint Paul University.

Taglay ni Ellen ang kagandahan na talaga namang titingnan. Sa katunayan, may pagkakataon na kaliwa't kanan ang alok sa kanya para magmodel at magartista. Wag lamang masabi na hindi niya pinagbigyan ang kahilingan ng mga tao, lumabas si Ellen sa ilang komersyal ng sabon at rumampa rin sa pagmomodelo. Subalit sadyang para kay Ellen, ang gandang panlabas ay isang katangian hindi niya binigyang pagpapahalaga kundi mas pinursige niya ang pag-aaral at kanyang adbokasiya. Bilang estudyante, aktibong naihahayag ni Ellen ang kanyang pinaniniwalaan at pinaglalaban. Siya ay naging Student Representative sa University of Bonn sa Germany sa larangan ng Araling Panlipunan noong 1973. At simula nga noon, nagsimula naging malaliman ang kanyang pagtalakay sa iba't ibang panlipunang usapin sa loob at labas ng bansa. Noon 2006, nagbigay siya ng panayam ukol sa kababaihan sa Chennai University sa India at Thammasat Univeristy sa Thailand. Sa kasalukuyan, Matapos ang dalawang Bachelors Degree, itinuloy ni Ellen ang pagdadalubhasa at tinapos ang Masters of Science in Social Work. Sa kasalukuyan, siya ay kandidato sa Doctor of Science in Social Development sa Philippine Womens University.

Para kay Ellen, ang lahat ng pag-aaral sa teorya ay magkakaroon lamang ng katuturan kung ito ay maisasapraktika. Kinakailangan makita ng bawat mag-aaral ng lipunan na ang tunay na silid aralan ay ang mismong kumonidad ng mga mamamayan. Ang tunay na library na pinanggagalingan ng mga kaalaman ay ang mismong puso ng mga tao na kung iyong mabubuksan ay makapagtuturo sa iyo ng pagmamahal at pag-unawa. Para sa akin, ito ang esensya ng edukasyon.

Sa paglaki ng kanyang pamilya, minabuti nila na manirahan sa Amerika para matiyak ang mabuting kinabukasan ng kanyang mga anak. Masakit na desisyon ito para kay Ellen tulad rin marahil ng pakiramdam ng ibang OFW na kinakailangan magtrabaho sa abroad. Mabuti na lamang na kahit papaano, kasabay ng pagganap sa tungkulin bilang ina sa kanyang apat na anak na sina Adrian, Christine, Maia at Gabriel, nagawa ni Ellen na gamitin ang karerang napili bilang Director ng Social Services ng Montrose Health Center, Montrose USA noong 1989-1996. Ang kanyang ilang taong karanasan sa pagtatrabaho sa Amerika ang siyang naging daan upang kanyang maunawaan ang buhay ng mga migranteng manggagawa. Ang mismong naging buhay niya ang siyang nagpa-unawa sa kanya kung bakit ang mga OFWs ay kinakailangan bigyan ang espesyal na pagkalinga ng pamahalaan.

Ang buhay ni Ellen sa Amerika ay nagmulat sa kanya ng realidad na kung ikaw ay biniyayaan ng diyos ng mas higit kaysa iba, marapat lamang na akuin mo ang mas malaking responsibilidad upang mapagbuti at makatulong sa kapwa. Nakita niya na bagamat tayo ay pinaghiwalay hiwalay ng ating mga pangalan at pamilya, sa hulihan, ang lahat ng wala at naghihirap ay may interes na pumapaloob din sa interes ng mga mayroon at nagsasagana na kinakailangan mapagsilbihan ng lipunang tutugon sa pangangailangan ng mga naargabyado at kinukulang. Malaki ang pananagutan ng pamahalaan dito dahil kung hindi, di mapipigil ang pagsabog ng isang lipunang sibil na may kaayusan at nagsisilbi para sa interes ng nakararami. Malaki ang utang ko sa lipunang aking kinalakihan kung kaya't kinikilala ko na ang bawat indibidwal ay may responsibilidad sa kanyang kapwa.

Sa pagbabalik ni Ellen, naging Social Work Volunteer at Development Advocate for Women Volunteerism (DAWV) siya noong 1998-2000. Naging kasama rin si Ellen sa pag-oorganisa ng mga samahan ng mangingisda at kababaihan sa lalawigan ng Laguna tulad ng CALARIZ. Naging kasapi at namuno sa iba't ibang sibikong samahan tulad ng kanyang pagiging Presidente ng Philippine Federation of Business and Professional Women, Association of Women in Development (AWID), Women in Nation Building (WID), Southeast Asian Association of Social Workers, Zonta Club International Foundation Inc., Lions Club International at Rotary Club.

Kontento at panatag ang kalooban ni Ellen sa kanyang gawaing boluntaryo at sa NGO. Para sa kanya, sa ganitong paraan ay nakakatulong siya at nailalabas din niya ang kanyang potensyal bilang isang babae. Subalit mahirap talagang pigilin pamumunga ng punong inihanda ng panahon. Kaya naman, ilang taon pa lamang siya nakababalik, hinimok na siya ng pamahalaan ng San Pablo na pamunuan ang Turismo at Kultura ng San Pablo City noong 2000. Sa ilang sandali lamang ng kanyang panunungkulan, ang Lungsod sa ksalukuyan ay nagkaroon ng sistematikong marketing ng kanyang taunang coconut festival at nakapaglunsad ng mga pananaliksik ukol sa katutubong kultura at produkto ng lungsod.

Kasunod nito ay naitatag niya at pinamunuan hanggang sa kanyang pagyabong ang San Pablo City Women, Family and OFW Center o Women's Center na hanggang sa kasalukuyan ay nagbibigay tulong at training sa mga nasabing sektor. Sa sandaling panahon ng center, nagawa nitong makapagdaos ng mga training at seminar para sa mga kababaihan at naorganisa ang mga pamilyang naiiwan ng OFW. Sa loob din ng panahong ito, naayos din ang monitoring upang maging mas responsibo ang syudad sa kanilang pangangailangan.

Dahil sa kanyang mga nagawang ito, ang mga lider pulitikal ng lungsod ang humimok sa kanya na kumadidato bilang konsehal ng bayan noon 2007. Atubili siyang tanggapin at sa katuyan ay ilang eleksyon na niya itong hinindian hanggang sa kausapin siya ng grupo ng kababaihan ng lungsod. "Napakahirap sa akin tumanggi sa tawag ng kasaysayan lalo pa nga't kung ang nanawagan ay ang mismong sektor na aking pinaglalaban. Kung sa iba ay tinitingnan ang eleksyon bilang isang personal na pakikipaglaban, naging madali sa akin ang pagtugon sa hamon dahil nakita ko ito bilang laban ng kababaihaan", sabi ni Ellen. Ang tagumpay ni Ellen ay patunay ng pagkamulat at tagumpay ng kababaihan ng Lungsod. Sa kasalukuyan ay isa si Ellen sa pinakaaktibong Konsehal ng Lungsod ng San Pablo na siyang nagtaguyod at nagsulong ng mga iba't ibang panukala at batas na siyang nagtaguyod ng interes ng mga marginalisadong sektor ng pamayanan.

Matapos ang tatlong paninilbihan sa lungsod, katulad din ng pinakamatagal na naging gobernador ng Laguna na si Felisicimo San Luis, mula sa pagiging konsehal ng bayan ay hinimok para mamuno sa panglalawigan na pamahalaan.   Nilapitan ni Mayor ER Ejercito upang kanyang maging Bise Gobernador sa ilalim ng tiket ng Pwersa ng Masang Pilipino, nag-aalangan mang sumagot sa malaking hamon ng probinsya, naramdaman niyang ano ang kanyang kapangyarihang tumangging gayong natanggap na niyang siya ay utusan ng publiko na kinakailangan tumugon sa tawag ng pagbabago.

"Marami ang minamaliit ako dahil isang pipitsuging konsehal na nga lang daw ay babae pa. Ano daw ang laban ko sa mga malalaking putitikong lalaki na tahiran na sa pulitika? Marahil ay wala nga lalo pa't kung titingnan ang pulitika bilang pamachuhan lamang. Subalit kung ito ay titingnan bilang tunay na lagusan ng serbisyo, sa palagay ko ay ipapangahas kong ilaban ang tunay na pagkalinga at pagmamahal ng isang ina na may dangal, kakayahan, kahandaan at propeyunalismo. Wala sa masel ang laban kundi nasa plataporma at paninindigan". Ang tugon ni Ellen.

Sa kanyang pagharap sa malaking hamon, malinaw kay Ellen na ipaglalaban niya ang pagsusulong ng pagbibigay kabuhayan at pantay na akses ng kababaihan sa probinsya bilang katuwang sa produksyong panlipunan. Kinikilala niya ang kagyat na pangangailangan ng pagsasaka ng mas malaking atensyon upang payabungin ang naghihingalong sektor. Bukod dito dito, mahigpit niyang babantayan ang responsable at makakalikasang industriyalisasyon upang maiwasan ang malulubhang sakuna at pagkasira ng kapaligiran. At marahil, bunga ng kanyang propesyon, mahigpit niyang pagtutuunan ng pansin ang usaping pangkalusugan at nutrisyon ng kabataan partikular ng mga nasa kanayunan at mga riles upang maialayo ang kabataan sa tuluyang pagkasira ng kanilang kinabukasan. Kay Ellen, mahalaga na maaresto na agad ang problema sa simula pa lamang ng sa gayon ay hindi na ito lumaki. Ito ay siyang dahilan kung bakit titiyakin niya na kung siya ay pagtitiwalaan bilang bise gobernador na maisabatas ang pagpapalakas ng mga health centers sa barangay na kayang tumugon sa mga karamdaman tulad ng hika, lagnat at iba pa upang sa barangay pa lamang ay mabigyan lunas na agad ito. At higit sa lahat, titiyakin ni Ellen na ang lahat ng benepisyo ng senior citizen ay kanilang matanggap katulad din ng buong implementasyon ng magna carta ng kababaihan.

"Napakarami pang dapat magawa. Ang kinakaharap ngayon ng lalawigan ng Laguna ay isang hamon dahil ramdam dito ang kahirapan. Kinakailangan ng pakikibaka sa tunay na pagbabago at ang pagbabagong iyan ay kinakailangan ngayon na. Marami ang nagsasabing nananaginip ako. Subalit ang tugon ko naman ay ako'y isang praktikal na nakikibaka. Ang mahalaga sa puntong ito ng kasaysayan ay makibaka. Dahil ang susunod sa pinakamagandang mangyayari sa tagumpay ay ang aktwal na pakikibaka laban sa katiwalian at kahirapan. Ako'y naniniwalang ipagtatagumpay natin ito", dagdag ni Ellen.

Ang naging buhay at paninilbihan ni Ellen sa bayan ay kakikitaan ng matibay na paninindigan para pagsilbihan ang interes ng maliliit nating kababayan partikular ang kabataan at kababaihan para sa pantay na pagtrato ng lipunan.   Malinaw kay Ellen na ang kaunlarang panlipunan ay magkakaroon lamang ng kabuluhan kung ito ay magbibigay oportunidad, pantay na pagkakataon at kapangyarihan para sa maliliit at mas nakaarami nating kababayan. Ang alab ng layunin ni Ellen na makapag-alay para sa bayan ay mananatiling buhay hangga't ang pagtitiwala at pagmamahalan sa isa't isa ang siyang magiging gabay sa pakikisangkot at paglilingkod.